Kamalayang Pilipino
Monday, December 18th, 2006Malaya akong nagpasya na huwag na lang mag-aral sa ibang bansa para sa aking doktorado. Hindi ko masasabing walang panghihinayang. Iba na rin ang dating ng taong nag-aral sa ibang bansa.
Maraming dahilan kung bakit hindi ako umalis. Isa na rito ang aking spirtual adviser na nagsasabi sa akin na sa larangan ng araling pangkaunlaran, mas mainam kung dito na lang ako mag-aral sa Pilipinas.
Kung kaya’t nag-umpisa akong mag-aral ng sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman at ngayong nakatapos na ako ng limang klase at kumukuha ng dalawa pa at kukuha pa ng siyam na klase, ngayon ko nakikita na nararapat nga akong mag-aral sa Pilipinas at nararapat nga akong mag-aral sa U.P.
Para sa isang katulad ko na lumaki sa ibang bansa, ngayon ko mas nauunawaan na mayroon ngang kamalayang Pilipino na hindi lubusang matatanto kung ang konseptong gagamitin sa pag-unawa ay konseptong banyaga.
Ngayon ko naiintindihan na ang paggiging malay sa kamalayang ito ay hindi maaaring tumigil sa pagsalin ng konseptong hiram sa iba. Meron tayong sariling mga konsepto (kung ang tawagin ng aking guro ay dalumat) na nagpapahayag ng diwang Pilipino.
Ngayon ko naiintindihan na maaaring maging mas malinaw ang pagtanaw sa diwang ito ng isang katulad ko na nasa-loob pero lumaki sa labas dahil para sa akin ang lahat ay may bahid ng pagiging bago at di-pangkaraniwan (at di-nauunawaan), isang pananaw na hindi maintindihan ng isang taong hindi lubusang makalabas sa kanyang sariling kinalulugaran.
Mas malinaw na rin sa akin na ang papel ng isang Pamantasang Pilipino ay maintindihan at payabungin ang kamalayan at diwang Pilipino.
Tala-kaisipan #1: Kamalayang Pilipino